SA hangarin tiyakin ang maayos na kita ng mga lokal na magsasaka, higit na angkop pag-ibayuhin ng Department of Agriculture ang ugnayan sa mga “institutional buyers.”
Ayon kay Abra lone district Rep. JB Bernos, hindi rin umano dapat masayang ang ani mula sa dugo at pawis ng mga magsasaka.
Ibinahagi rin ng kongresista ang balitang lubos na ikalulugod ng mga magsasaka. Aniya, nakikipag negosasyon na umano ang kagawaran sa walong institutional buyers na interesado direktang bumili ng red onion sa Mindoro.
Buwan nang Marso nang magsagawa ang DA ng virtual market matching kung saan naikasa ang pagbili ng hanggang lima hanggang 16 metric tons ng sibuyas kada buwan ng mga pribadong kumpanya.
Ayon kay Bernos, ang pagkakaroon ng institutional partnership, sa gabay ng DA, ay malaking tulong sa kabuhayan ng mga magsasaka, bukod pa sa nasisigurong walang nasasayang na produkto.
“Institutional partnerships are a good avenue that we can explore to ensure the livelihood of agricultural workers and minimize crop wastage. I hope that the DA continues to engage partners in the private sector in this regard,” wika ng Abra lawmaker.
Mismong si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel ang nagsabing 30 percent ng agricultural produce ng bansa, lalo na ang mga gulay, ay nasasayang o nabubulok na lamang dahil sa kawalan ng buyer. Problema rin ng mga magsasaka ang “logistics.”
Kaya naman tiwala si Bernos na kaakibat ng pagpapalakas sa institutional agri buyer agreement direkta sa mga magsasaka ay tututukan din ng DA ang pagpapagawa ng mas maraming post-harvest facilities.
“Sa huli, dapat protektahan ang ating mga magsasaka at ang kanilang interes. Natutuwa naman tayo at mukhang kasama sa ginagawa ng DA ang pag siguro na hindi malulugi ang mga magsasaka sa mga purchase agreements,” pagtatapos ni Bernos.
