Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
MALIIT man ang populasyon, minarapat pa rin ng administrasyong Marcos buhusan ng P300-milyong halaga ng mga programa at ayuda para sa mga residente ng lalawigan ng Siquijor sa Central Visayas region.
“Sa Bagong Pilipinas, lahat kasama sa pag-unlad. Pinakamaliit man ang Siquijor sa mga lalawigan ng Central Visayas, kasama pa din po kayo sa Bagong Pilipinas. Patunay dito ang paglunsad ngayon ng Serbisyo Fair sa inyong lugar,” bungad na pahayag ni Speaker Martin Romualdez na isinugo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbubukas ng two-day Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na ginanap sa Siquijor State College Gymnasium, sa bayan ng Larena ngayong Linggo ng umaga.
“Ito po ang Bagong Pilipinas – pamamahalang nagmamahal, hindi lang sa salita, kundi sa gawa; hindi naghihintay, bagkus ay kusa at dagliang lumalapit para matugunan ang mga pangangailangan ng taongbayan tungo sa sama-sama nating pag-unlad,” wika ni Romualdez sa binigkas na keynote address.
Ayon sa lider ng Kamara, ang BPSF ay katuparan sa pangako ng Pangulo na ilapit sa mga tao ang iba’t-ibang serbisyo ng gobyerno, sa mabilis at maayos na paraan.
Sa naturang pagtitipon, umabot sa 50,000 o katumbas ng 100% coverage ng family population ng Siquijor ang naging benepisyaryo ng iba’t-ibang programa ng pamahalaan — bukod pa sa tulong pinansyal, na aabot sa kabuuang halaga na P117 million.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob para sa Siquijornons ay ang province-wide payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, na pinangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mahigit sa 30,000 individual beneficiaries na pinaglaanan ng P80 million pondo.
Namahagi rin ng scholarship at livelihood grants ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para iba’t-ibang sektor at una nang natukoy na eligible beneficiaries.
Sinabi ni Speaker Romualdez na sa pamamagitan din ng Siquijor leg ng BPSF ay mapapalakas ang sektor ng turismo ng lalawigan, na magbibigay ng malaking kapakinabangan at kita sa small business owners at iba pang micro small and medium enterprises (MSMEs).
Ang naturang aktibidad ay siyang kauna-unahan sa buong Region VII (Central Visayas) kung saan tumayong punong abala sina Siquijor Rep. Zaldy Villa at Governor Jake Vincent Villa.
Dumalo at tumayong saksi sina Reps. Jocelyn Sy Limkaichong (Negros Oriental, 1st District), Chiquiting Sagarbarria (Negros Oriental, 2nd District), Rachel Marguerite Del Mar, (Cebu, 1st District), Eduardo Rama Jr. (Cebu, 2nd District), Pablo John Garcia (Cebu, 3rd District), Janice Salimbangon (Cebu, 4th District), Daphne Lagon (Cebu, 6th District), Emmarie “Lolypop” Ouano-Dizon (Mandaue City), Ma. Cynthia Khan (Lapu-Lapu City), at Ako Bisaya Partylist Rep. Sonny “SL” Lagon.
