PUMALO na sa 98 na bangkay ang narekober ng search and retrieval team sa gumuhong bahagi ng Barangay Masa sa bayan ng Maco, lalawigan ng Davao de Oro.
Sa naturang bilang, 80 ang buo pa ang katawan nang makita sa ilalim ng guho, ayon kay Management of the Dead and the Missing (MDM) unit personnel Lea Añora.
“As of today, we have a total of 98 retrieved bodies which includes complete body parts and body parts,” wika ni Añora sa isang press briefing kahapon.
“Eighty eight were complete body parts and 10 body parts and we have 79 identified bodies and we still have 18 unidentified retrieved bodies,” aniya pa.
Patuloy naman ang paghahanap sa siyam na iba pa.
Ika-6 ng Pebrero nang salantahin ng malakas na buhos na ulan ang bayan ng Maco – partikular ang apat na barangay sa paligid ng Apex Mining. Sa tindi ng unos, bumigay ang isang bahagi ng kabundukan at tinabunan ang lugar kung saan nakagarahe ang mga bus na gamit ng mga minero papunta sa minahan at pauwi pagkatapos ng trabaho.
Bukod sa mga bus, pumailalim sa ga-bundok na putik at bato ang mga kabahayan at ang punong bulwagan ng barangay.
Batay sa datos ng pamahalaang panlalawigan, mga manggagawang minero ng Apex mining ang karamihan ng mga nasawi sa trahedya habang patuloy ang paghahanap sa iba pa.
Nasa 6,356 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 13 evacuation centers, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
