SWAK sa banga ng isang South Korean firm ang halos P18 bilyon sa bisa ng kontratang iginawad ng Commission on Election (Comelec) para sa vote counting machines (VCM) na gagamitin sa 2025 national and local elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, naging mabusisi ang poll body bago pa man pinagtibay ng ahensya ang rekomendasyon ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) na ibigay sa lone bidder na Miru Systems ang karapatan magsupply at magparenta ng 110,000 Automated Counting Machines (ACMs), ballot boxes, server/laptop at printer, at iba pang printing requirements.
Katunayan, ani Garcia, inatasan pa ng Comelec en banc ang Miru Systems na ipamalas ang kakayahan sa paraan ng isang demonstrasyon ng Joint Venture na Miru Systems Co. Lt,, Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies, Inc.
“After ng napakahabang deliberasyon ng Commission en banc na sinundan pa ng demo, nagdesisyon ang Commission en banc, unanimous po kami, in-adopt namin ang recommendation ng aming Special Bids and Awards Committee at yung findings ng TWG (Technical Working Group) amin din pong in-adopt at sinasabi na dapat maibigay ang award sa Miru Systems at kanyang joint venture na kumpanya,” sambit ng Comelec chief.
