NAKAHINGA ng maluwag ang 14 na Pilipinong lumikas mula sa Gaza (Palestine) makaraan ang ligtas na paglapag ng sinasakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Pagbaba sa eroplano, agad na sinalubong ng kani-kanilang pamilya ang mga overseas Filipino workers na pinili na lang bumalik sa Pilipinas para makaiwas sa peligrong dala ng hidwaan sa pagitan ng Palestine at Israel.
Sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration 136 Pilipinong nagpasaklolo ang nailikas mula nang sumiklab ang giyerang kumitil sa buhay ng 29,410 katao (kabilang ang apat na Pinoy) – bukod pa sa 69,465 sugatan dulot ng walang-humpay na atake at pambobomba ng Israel sa Gaza.
“Iisa na lang ang Filipino citizen na natitira sa Gaza, isang madreng nagdesisyong manatili roon,” ayon sa pahayag ng dagdag ng DFA, kasabay ng pagtitiyak na bantay-sarado sa embahada ng bansa sa Amman (Jordan) ang sitwasyon ng madre.
