Ni ESTONG REYES
SA gitna ng kabi-kabilang modus ng panggagantso gamit ang makabagong teknolohiya, tiniyak ni Senador Grace Poe ang mas mahigpit na parusang ipapataw sa mga financial scammer bilang proteksyon ng mamamayan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senador Grace Poe na tumatayong chairman ng Senate committee on public services, na pangunahing layunin ng Senate Bill 2560 (Anti-Financial Account Scamming Act) na protektahan ang mamamayan sa paggamit ng digital wallets at iba pang kahalintulad na plataporma.
“They say that there are only two certain things in life: death and taxes. Ngayon, mukhang kinakailangan na nito ng amendment: death, taxes, and scams,” ayon kay Poe.
“These fraudulent schemes and rackets have become the bane of our financial consumers,” dagdag niya.
Pangunahin sa parusang ipapataw sa digital scammers ang pagkakakulong mula anim hanggang 10 taon, at multang mula P500,000 hanggang P10,000,000 depende sa bigat ng krimen, sa sinumang mapapatunayan ng walang bahid alinlangan na nanloko sa digital financial transaction.
Bilang isa sa pangunahing may-akda ng panukala, sinabi ni Poe na “ipinanganak ang panukala dahil lubha na itong kailangan ng bansa.”
Kabilang din sa ipinagbabawal ng panukala ang pagiging money mule, nagsagawa ng social engineering scheme at economic sabotage sa pamamagitan ng paglalatag ng ilang safety measures upang matiyak na protektado ang mamamayan.
Nakatakda din sa panukala na inatasan ng AFASA ang lahat ng responsableng institusyon na protektahan at siguraduhin ang financial accounts ng kanilang kliyente sa pamamagitan ng paglalagay ng sapat na risk management systems at controls – pero hindi limitado sa multi-factor authentication (MFA), fraud management systems (FMS), at account-holder enrollment at verification processes.
Lumakas ang online financial transaction nang magsimula ang pandemya pero dumami din ang nagsamantala at nanloko sa internet.
Base sa mga lumabas na balita, may 120 e-wallet account holders ang nawalan ng pera sanhi ng tinatawag na phishing scam na una nang iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
“These stories and other countless reports of scams, shams, and other deceits only cement our status as a scamming hotbed in Asia,” ayon kay Poe.
Noong 2022, sumapa ang Pilipinas sa ika-5 pwesto sa talaan ng Southeast Asian nations kung saan laganap ang hacking at phishing.
Pumalo naman sa mahigit P623 milyon ang tinatayang halagang nawala sa bisa ng sa phishing; at P409 million sa identity theft.
“Mas malala pa ito as cyber security experts believe that these incidents will only get worse in 2024 and beyond,” ayon pa kay Poe.
Pangunahin si Poe sa pagsasabatas ng Republic Act 11934 (SIM Registration Act) na naglalayong palakasin ang seguridad digital transactions.
“Ngayon naman, hihigpitan natin ang seguridad ng ating mga financial accounts tulad ng GCash, Maya, online banks, pati mga e-wallets ng mga e-commerce apps tulad ng Shopee, Lazada at Grab,” aniya.
Nagsilbing co-author din si Poe ng RA 11765 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act upang protektahan ang consumers ng financial products at serbisyo tulad ng pautang, securities at investments.
“While financial education and literacy is still key in preventing these schemes, kinakailangan natin ng mas kongkretong aksyon para habulin at parusahan itong mga manloloko at masasamang loob,” ani Poe.
“These schemes chip away the trust in our financial system—threatening to undo years of progress in financial inclusion and digital innovation,” pagtatapos ni Poe.
