
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
WALANG pagsidlan ang tuwa ng mahigit sa 600 mangingisda mula sa Aborlan, Palawan sa agarang pagtugon ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kanilang mga kahilingan.
Sa pamamagitan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at kapwa niya ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap, nailapit sa lider ng Kamara ang suliranin ng mga mangingisda sa nasabing lugar nitong nakaraang Biyernes.
“Kahit wala sa programa at schedule, hinarap ni Speaker (Romualdez) ang mga lider ng mga mangingisda at agad pinakinggan ang problema ng mga ito,” ayon pa kay Tulfo.
Ani Tulfo, sumbong ng mga mangingisda, apektado na ang kanilang paghahanap-buhay partikular ang lubos na makapalaot dahil sa pagkakaroon ng mga dambuhalang Chinese sea vessels kung hindi man sila hinaharang at itinataboy palayo sa karagatang pasok sa 200 nautical mile radius ng Philippine exclusive economic zone.
“Maliliit ang aming bangka hindi kayang sumabay sa naglalaking barko at madalas na pambabarako kaya naitutulak kami sa tabi,” paglalahad pa ng isa sa lider Palawan fisherfolks sa grupo nina Romualdez at Tulfo.
“Lumiit po talaga ang kita namin dahil po doon yung kita po talaga namin araw-araw apektado na talaga. Yung mga pag-aaral ng mga anak namin apektado na rin,” sabi naman ng isa pang mangingisda.
Kaya naman hiling nila, mabigyan ng scholarship ang kanilang mga anak, na agad naman tinugon ni Speaker Romualdez.
“Diretsahan na lang, kumuha tayo ng lahat ng listahan ng mga estudyante, bigyan natin ng scholarship. Ganun kasimple. Kung namomroblema kayo sa edukasyon, scholarship na lang diretso na lang,” mabilis na reaksyon ng House Speaker sa mga mangingisda.
Ayon pa kay Romualdez, makikipag-ugnayan siya kay Palawan 2nd Dist. Rep. Rep. Jose Alvarez para makapagbigay ng mas malalaking bangka sa mga mangingisda para hindi na umano nabu-bully sila ng mga Tsino.
Bukod sa scholarship, humirit din ang Palawan fishermen na magkaroon ng ice plant at gasolinahan sa kanilang lugar.
Tiniyak naman ni Speaker Romualdez na ipamamadali niya ang pagpapagawa ng ice plant at gasolinahan sa Aborlan, bukod pa sa pagbibigay ng livelihood program upang magkaroon umano ng ibang mapagkakakitaan ang mga mangingisda.
“Kausapin natin si Mr. Ramon Ang para maglagay ng fuel storage facility. Tapos ‘yung mas malaking mga bangka ayusin natin. Maglalagay din tayo ng mga food processing facility para magbigay ng alternatibong kabuhayan sa pamilya ng mga mangingisda. ‘Yung livelihood nyo, tutulong tayo sa livelihood nyo,” ang binitiwang pahayag pa ni Speaker.
Sinuklian naman ng taos-pusong pasasalamat ng mga mangingisda hindi lang kay Romualdez kundi maging sa ACT-CIS partylist sa pangunguna nina Reps. Tulfo at Yap dahil nabigyan ng kaakibat na solusyon ang kanilang mga problema.