MATAPOS tarayan ng maangas na peryodista sa Australia sa isang interbyu, agad tumiklop si Dayunyor at sumeryoso. “Ano’ng nakakatawa?” tanong ng anchor ng ABC na si Sarah Ferguson sa anak ng dating diktador pagkatapos itong tanungin tungkol sa perang dinambong ng tatay niya mula sa kaban ng bayan.
Hindi nasakyan ng peryodista ang ugali nating mga Pinoy na tumawa nang may pagkaasiwa kapag natatanong ng bagay na mahirap sagutin. Akala niya gusto lang tawanan ni Dayunyor ang tanong para umiwas.
Pero mahirap talagang sagutin ang tanong kaya nauwi na lang sa pagsisinungaling ang kawawang mama.
Propaganda lang daw iyon ng mga kalaban sa pulitika. Sinabi raw nila sa mga naghahabol sa kanila na “Kung ano ang makukuha ninyo, inyo na.” Bagay na hindi totoo, dahil nilabanan nila lahat ng pagsisikap ng gobyernong Pilipino na mapanagot sila pagnanakaw.
Sa kabila nito, nagawang makabawi ng Presidential Commission on Good Government ng 174 bilyong piso mula sa yamang ninakaw nila at may hinahabol pang 125 bilyong piso sa kanila. Noong 2018, nahatulan ng Sandiganbayan na nagkasala ang nanay niyang si Imelda ng pitong kaso ng pangungurakot at nakakalaya lang ito ngayon dahil sa piyansa.
Hindi inaasahan ni Dayunyor na pagpapawisan siya nang malagkit sa biyaheng iyon. Protesta ang sumalubong sa kanya sa loob at labas ng parliyamento ng Australia.
Mabuti na lang at sanggang-dikit sila ni Prime Minister Anthony Albanese na nagtanggol sa kanya laban sa pagkapahiya. Atat na atat kasi ang Australia na ligawan ang mga lider ng ASEAN kaya inimbita niya si Dayunyor na magsalita sa Parliyamento sa Canberra at sa ASEAN-Australian summit sa Melbourne.
Kailangan ng Australia ang ASEAN para sa kalakalan at seguridad nito sa rehiyon. At kailangan naman ni Dayunyor ng suporta ng Australia dahil naghahanap siya ng maraming kakampi, bukod sa mga Kano, sa harap ng lumalalang sigalot sa bahagi ng South China Sea na tinatawag nating West Philippine Sea (WPS).
Sa ngayon malakas ang loob ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa pangakong suporta ng mga Kano. Mula sa patakarang pangangayupapa sa Tsina ng dating pangulo ng Pilipinas, biglang kumiling nang todo ang bagong pangulo sa karibal ng Tsina, ang Estados Unidos na pinamumunuan ni Joe Biden (na binansagang “Genocide Joe” ng mga aktibista sa kanilang bansa dahil sa bulag na pagsuporta sa Israel).
Mula sa limang base militar na pwedeng gamitin ng mga Kano sa Pinas, dinagdagan ito ng apat pa. Naglunsad din sila ng joint military exercises na itinuturing ng Tsina na panunukso. Dahil dito dumagsa ang mga barko ng Tsina sa WPS at tumindi ang pagbabanta nito.
Delikado ang labis na pag-asa ng gobyerno ng Pilipinas sa pangako ng Estados Unidos. Sapat nang malaman ng Tsina na BFF natin si Genocide Joe at nangangako itong di tayo iiwan. Hindi na kailangan ang muscle flexing dahil wala naman tayong muscle.
Hindi tayo dapat masyadong umasa sa Kano dahil kapitbahay lang natin ang Tsina at magiging proxy lang tayo ng Kano sa away nilang dalawa sakaling magsalpukan sila sa iba pang dahilan. Malalim at lumalalim ang hidwaan ng Tsina at Amerika sa usapin ng pulitika at ekonomiya at hindi natin gugustuhing maipit sa gitna.
Hindi rin maganda ang rekord ng mga Kano sa pagtupad nito sa pangako at pagbibigay ng proteksyon sa mga proxy nila. Nariyan ang ginawa nila sa Iraq at Afghanistan. Umuwi silang luhaan. At paano kung matulad tayo sa Ukraine na sinuportahan lang nila sa simula at ngayo’y ayaw nang bigyan ng pondo ng Kongreso nila at mga alyado sa Europa. May mga analistang Kano ang nagsasabing malayo nang manalo ang Ukraine laban sa Russia.
Huwag naman sana nating danasin ang dinaranas ngayon ng Ukraine.
