PARA makasabay ang mga kabataan sa makabagong teknolohiya, iminungkahi ni Senador Mark Villar ang panukalang magtataguyod ng pinalawak na “access” sa teknolohiya at digitization ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng Senate Bill 2048 (Boosted Technology Subsidy for Students and Learners Act), bibigyan ng subsidiya ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa mga pampublikong paaralan, State Universities and Colleges (SUCs), Alternative Learning Systems (ALS), at iba pang institusyon.
Saklaw ng subsidiya ang gastusin sa gadget, internet connectivity, at subscription ng Artificial Intelligence (AI) tools.
Ang naturang inisyatiba ay tugon sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), na nakasentro sa nararanasan ng mga mag-aaral sa pampublikong hayskul at kolehiyo na kakulangan sa teknolohikal na imprastraktura at limitadong akses sa mga educational at AI tools sa pagaaral.
“Ito ay isang pamumuhunan para sa ating kabataan at sa kinabukasan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng akses sa digital na edukasyon, pinatitibay natin ang ating sistema ng edukasyon at binubuksan ang mas maraming oportunidad para sa bawat Pilipinong mag-aaral,” wika ni Villar.
Sa ilalim ng panukalang BTS Program, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng komprehensibong suporta, kabilang ang subsidiya na hanggang P30,000 para sa mga gadget (laptop o tablet), tulong sa koneksyon sa pamamagitan ng pocket Wi-Fi at buwanang internet allowance sa loob ng academic term, at suporta para sa mga subscription sa AI tools upang mapahusay ang pananaliksik, pagkatuto sa pang-akademikong gawain.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, mas magiging handa at competitive ang ating mga mag-aaral. Hindi na nila kailangang manghiram ng gadget o lumabas pa sa kanilang mga bahay o paaralan para lamang makapag-research at makagamit ng internet. Bibigyan din sila ng access sa mga AI tools upang mas mapadali ang kanilang pag-aaral,” paliwanag ng mambabatas.
Naglalaman din ang panukala ng mga pananggalang upang matiyak ang wastong paggamit at hindi pag-abuso ng mga benepisyo ng programa. Anumang pagbebenta, pagpapahiram, o paglilipat ng mga subsidized na gadget, internet subscriptions, o AI services bago matapos ang pag-aaral ng benepisyaryo ay ituturing na walang bisa.
