
Ni LILY REYES
MATAPOS ang pambababoy na nadiskubre sa Chocolate Hills sa lalawigan ng Bohol, walong lugar pa sa Pilipinas ang nirekomenda para mapabilang sa talaan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage site.
Kabilang sa target gawin UNESCO Heritage sites ang mga azucarera sa mga isla ng Negros at Panay, ang makasaysayang bayang tahanan ng bulkan at lawa ng Taal, ang 67-ektaryang Intramuros Walled City sa lungsod ng Maynila, ang Agusan Marsh wildlife sanctuary na ugat ng sagupaan sa Mindanao, ang mga sagradong bahagi ng kabundukan ng Kitanglad at Kalatungan Mountain Range sa lalawigan ng Bukidnon.
Pasok din sa mga tinutulak na maging UNESCO Heritage sites ang Samar Island natural park, ang karugtong ng Cordillera rice terraces at ang isa pang lugar na bahagi ng Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary-Pujada Bay.
Paglalarawan ng UNESCO, ang mga tinaguriang world heritage sites ay mga lugar na may katangi-tanging ganda at halaga sa pamumuhay ng sangkatauhan sa mundo – at higit na angkop bigyan proteksyon ng pamahalaan para masilayan pa ng mga susunod na henerasyon.
Batay sa talaan ng pamahalaan, mayroon anim na lugar na nakapasa sa pamantayan at ganbanp na kinilala ng UNESCO bilang World Heritage sites – ang mga simbahan ng Baroque sa Pilipinas, ang makasaysayang Vigan na kabisera ng Ilocos Sur, ang Banaue Rice Terraces, ang Mt. Hamiguitan Range wildlife sanctuary, ang Puerto Princesa Subterranean River and Tubbataha Reefs natural park.
Sa kabuuan may 1,199 lugar sa iba’t ibang panig ng mundo ang deklaradong UNESCO Heritage sites.