Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PAGSAPIT ng buwan ng Nobyembre, asahan ang ‘barrierless expressway’ at ‘interoperability’ ng RFID sa North Luzon Expressway at maging sa South Luzon Expressway, ayon kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Sa ulat kay House Speaker Martin Romualdez, ibinida ni Tulfo ang aniya’y solusyon sa perwisyong dulot ng mabigat ng daloy ng trapiko noong nakaraang Semana Santa matapos makipagpulong sa mga opisyal ng NLEX, SLEX, at maging sa Toll Regulatory Board (TRB), alinsunod sa atas ni Romualdez.
Sa direktiba ni Romualdez, partikular na tinukoy ang kabi-kabilang reklamo ng mga motorista hinggil sa mga hindi binabasang RFID (radio frequency identification) sa mga toll gates na siyang naging pangunahing sanhi ng trapiko partikular sa NLEX nitong Semana Santa.
Ayon kay Tulfo, kasabay ng paghingi ng paumanhin ng NLEX sa mga naabalang pasahero, tiniyak ng mga toll operators na hindi sila tumitigil sa paggawa ng solusyon sa naturang problema.
Garantiya ni Metro Pacific Tollways Pres. Rogelio Singson (na minsang nagsilbi sa pamahalaan bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways), mararamdaman ang mga repormang inilatag ng kumpanya pagsapit ng buwan ng Nobyembre.
Paliwanag ni Singson, nakatakdang alisin ang mga toll gate sa mga entry point at mas maayos at mabilis na RFID system ang kanilang ipapalit. Sa susunod na taon naman aniya ay mga exit points naman ang gagawing barrierless.
Gagawin na rin ang interoperability ng mga RFID – na ang ibig sabihin ay isa na lamang RFID ang gagamitin sa lahat ng expressway sa Pilipinas, kabilang ang SLEX, NLEX, Skyway, CALAX, TPLEX at iba pang expressway.
Gayundin ang pangako ng pamunuan ng SLEX dahil patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa TRB at NLEX para patuloy na paghusayin ang sistema ng trapiko sa mga expressway, lalo na tuwing may mahabang holiday sa bansa.
Kabilang naman sa long-term solution ang pagdagdag ng mga kalsada sa mga expressway kabilang ang mga elevated expressway para naman matugunan ang patuloy na pagdami ng mga sasakyan sa kalsada.
Bukod kay Singson, kabilang rin sa mga dumalo sa pamunuan ng NLEX sina Luigi Bautista, NLEX Corp Pres. And Gen. Manager; Francis Dagohoy, Government Relations Manager, NLEX; West Dionisio, VP for operations, NLEX; at Glenn Campos, VP for Technology, NLEX Corp.
Dumalo naman sa panig ng SLEX sina Rafael Yabut, Pres. And CEO ng Skyway; Atty. Melissa Encanto-Tagarda, head, corporater affairs office ng San Miguel Holdings Corp.; at Nelly Argota, Operations head SMC tollway.
Dumalo rin sila TRB Executive Director Atty. Alvin Carullo at Joz Carlos Ordillano, TRB Division head.
