MATAPOS dakpin sa bisa ng warrant of arrest, pormal na humingi ng permiso si Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan para dumalo bilang senator-judge sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Bukod sa permiso, hiniling din ni Estrada na payagan siyang dumalo nang suot ang angkop na pananamit ng isang mambabatas — at hindi ang dilaw na kamisetang karaniwang gamit ng mga ordinaryong preso.
Ayon kay Atty. Noel Ostrea na tumatayong abogado ni Estrada, walang dahilan para mabahala ang Sandiganbayan lalo pa aniya’t kusang sumuko ang senador para harapin ang kinakaharap na kaso.
“We are asking the court if he could appear as a regular person and not as an ordinary accused in a BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) uniform and handcuffs,” wika ni Ostrea.
Kasalukuyang nakapiit si Estrada sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.
Una nang humarap ang mambabatas sa Sandiganbayan Second Division suot ng dilaw na BJMP detainee uniform na may nakasulat sa harap na “BJMP: Changing Lives, Building a Safer Nation” habang “PDL” naman sa likuran.
Nakatakda sanang basahan ng sakdal ang senador at ang kapwa akusado na si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa kasong graft kaugnay ng flood control scandal ngunit ipinagpaliban sa Hunyo 4 sa hiling na rin ng magkabilang panig habang nakabinbin pa ang mosyon ni Estrada.
