KUNG akala natin pwede tayong magtago sa likod ng sigang si Tiyo Samuel at alaskahin ang siga ring dragon na kapitbahay lang natin, medyo kailangan nating maghunos-dili.
Mas mabuting sairin ang lakas at talino natin sa diplomasya at pakikipagnegosasyon kesa umasa sa hiram na lakas ng loob mula sa kakamping “mas malakas” at palaaway.
“Bukas, malaya, maunlad, at ligtas na Indo-Pacific” ang itatayo ng Estados Unidos, Hapon at Pilipinas, sabi ni Joe “Genocide Joe” Biden sa katatapos na trilateral summit nila kasama si Bongbong “Dayunyor” Marcos at Punong Ministro Fumio Kishida ng Hapon.
Pero kahit paulit-ulit sabihin ni Genocide Joe – na pinuno ngayon ng US pero nanganganib sumemplang sa eleksyon sa Nobyembre – na balot sa bakal (ironclad) ang ugnayang Kano at Pinas at di nila tayo iiwan, may mas kagyat na pinagkakaabalahan ang Kano at doble-kara ang patakarang panlabas nito.
Nariyan ang dalawang taon nang gyera sa Ukraine na pumutok dahil sa sulsol ng US sa pangulo ng Ukraine na sumali sa NATO at makipagbreyk sa Rusya. Inaamin ng Ukraine na patalo na ito ngayon at kailangang kailangan nito ng tulong pero matamlay ang Kongreso ng US sa pag-apruba sa 61 bilyong dolyar na ayuda, at ayaw na ring tumulong ng mga amuyong ng US sa Europa maliban sa pagbibigay ng panis na laway. Siyanga pala, ironclad din daw ang suporta ng US sa Ukraine.
Nariyan ang paghahamon ng gyera sa Iran ng bata nitong Israel matapos atakihin ang konsulado ng Iran sa Damascus na pumatay ng 13 katao kabilang ang dalawang bigating heneral ng Iran.
Binalaan na ni Genocide Joe ang Iran tungkol sa pagganti. “’Wag na ‘wag kang gaganti, kung hindi, malilintikan ka,” ika ni Biden.
Gustong kaladkarin ng Israel ang amo nitong Kano sa gyera sa Hilagang Asya o Gitnang Silangan para pagtakpan ang genocide ng ginagawa nito sa Gaza (na kunyari’y tinututulan ni Genocide Joe pero tuloy ang suporta).
Katunayan, “ironclad” din ang relasyon ng Kano at Israel. Ironclad lahat ng relasyon ng Kano sa lahat ng kaibigan nito. Pero kung ironclad ang relasyon nito kay Dayunyor at kay Kishida, mas ironclad ang pagmamahal nito sa Israel na binibigyan nito ng 3.8 bilyong dolyar na tulong militar taun-taon.
Para sa genocide, inaprubahan pa ng gobyernong Kano ang 14.5 bilyong dolyar para sa Israel.
Nariyan din ang sigalot sa pagitan ng Tsina at Taiwan na mas “ikinababahala” ng gobyernong Kano. Sinusunod daw nito ang Once China policy pero bukas na lihim nitong sinusuportahan ang Taiwan. Katunayan may base militar ang Kano sa Taiwan at sa isang islang malapit dito. Ang mga idinagdag na baseng militar sa Pinas ay nakaharap sa Taiwan.
Kaya isa sa magiging papel ng Pinas kung sakaling magkagyera sa Taiwan e maging pambala ng kanyon. Napakalayo ng Kano, tayo ang narito. Mahilig itong pumasok sa gyerang malayo sa sarili nitong bansa. Proxy war ang tawag dito; at kahit nagpapadala ito ng mga sundalo para isakripisyo, ibang bansa ang nawawasak at nagdurusa.
Para takutin ang Tsina, mas malakas at mas maraming pagsasanay militar ang gagawin ng US at mga alalay nito, kagaya ng Australia at Hapon, sa bahagi ng South China Sea na tinatawag nating West Philippine Sea sa taong ito. Meron ding ganitong pagsasanay sa East China Sea kung nasaan ang Hapon sa susunod na taon.
Ang talagang layon ng Kano sa pag-ampon kay Dayunyor at sa Pinas ay para gawing peon at isama sa mga kampon nito para kontrolin ang tinatawag na Indo-Pacific na sumasaklaw sa may 40 bansang nasa o malapit sa Indian Ocean at Pacific Ocean. (Bagama’t nangungunang trade partner ng US ang Tsina at ganun din ang Tsina sa US, walang hangganan ang interes ng dalawa.
Umabot sa 502 bilyong dolyar ang eksport ng Tsina sa US noong 2023 at may 195.5 bilyong dolyar naman ang eksport ng US sa Tsina noong 2022.)
Palamuti na lang ang 100 bilyong dolyar na pangakong economic investment na normal na nangyayari sa mga pulung-pulong, utuan, pagdalo, at pagbisita ng mga lider ng bansa natin sa kung saan-saan kahit nung panahon pa ni Kopong-Kopong.
Ang sukatan e yung tunay na nangyayari; nasaan na ba tayo ngayon? Umunlad ba tayo sa mga pamumuhunang ipinapangako at ipinagyayabang ng mga nauupong pangulo?
