MAS mabilis ang pag-usad ng bansa kung isusulong ng pamahalaan ang usang tunay na reporma sa polisiya sa pamumuhunan. Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Senador Mark Villar ang mas maayos na imprastraktura, at mas kompetitibong kapaligiran sa pagnenegosyo upang lubos na mapakinabangan ng Pilipinas ang pagtaas ng economic growth forecast ng ASEAN sa 4.7 porsiyento para sa 2026 at makalikha ng mas maraming trabaho at oportunidad sa pamumuhunan. “Dapat nating patatagin ang pundasyon ng ating ekonomiya at bigyang-pansin ang mga pangunahing industriya tulad ng turismo, manufacturing, BPO (Business Process Outsourcing) at KPO (Knowledge Process Outsourcing) na maaaring magpasigla ng ekonomiya, makahikayat ng pamumuhunan, at lumikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino,” ani Villar. Para mapanatili ang pagiging kompetitibo ng mga industriya ng BPO at KPO, kinakailangan aniya ang patuloy na pagsasanay at pagpapahusay ng kakayahan ng mga manggagawa, lalo na ngayong binabago ng artificial intelligence ang pandaigdigang sektor ng serbisyo. Nanawagan din siya ng mas matibay na suporta para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng mas madaling pag-access sa pautang, teknolohiya, at mas malawak na pamilihan. Pagdating naman sa kalakalang panrehiyon, binigyang-diin ni Villar ang mga oportunidad na hatid ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), partikular sa digital trade, electronic payments, data protection, at mga transaksyong tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa. Ayon sa kanya, makatutulong ang mas malalim na integrasyong digital upang maabot ng mga MSME sa Pilipinas ang mas maraming mamimili sa labas ng bansa at higit na makilahok sa ekonomiya ng rehiyon. Ibinida rin niya ang ASEAN-Canada Free Trade Agreement bilang oportunidad upang mapalawak ang access ng mga produktong Pilipino sa mga pandaigdigang pamilihan at maparami ang mga bansang katuwang sa kalakalan. Aniya, makatutulong ang mas matatag na ugnayang pangkalakalan upang mabawasan ang panganib na dulot ng mga panlabas na krisis at pagbabago sa mga patakaran sa pandaigdigang kalakalan. “Mahalagang mapalawak natin ang ating mga pamilihan at hindi lamang umasa sa iilang katuwang sa kalakalan. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng iba pang mapagbebentahan ng ating mga produkto at mas mapoprotektahan ang ating ekonomiya laban sa mga pagkagambala sa pandaigdigang kalakalan,” aniya. Bukod sa pagpapalawak ng oportunidad sa kalakalan, iginiit ni Senador Villar na hindi sapat ang pagbibigay lamang ng mga insentibo upang makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan. Kailangan din aniya ang mas mabilis na proseso ng mga permit, mas pinasimpleng transaksyon sa pamahalaan, at tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga umiiral na repormang pang-ekonomiya upang mabawasan ang red tape at mapabuti ang kalagayan ng pagnenegosyo sa bansa. Binanggit niya na malaki na ang naging pagsulong ng mga karatig-bansa tulad ng Vietnam at Singapore sa pagpapaunlad ng imprastraktura at industriya. Ipinakikita nito, aniya, ang pangangailangan para pabilisin din ng Pilipinas ang mga proyekto nito upang manatiling kompetitibo sa rehiyon. Kaugnay nito, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng agarang pagkumpleto sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura, partikular ang Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway. Mahalaga ang mga proyektong ito sa pagpapahusay ng koneksyon sa iba’t ibang lugar, pagpapababa ng gastos sa transportasyon at logistics, at pagsuporta sa mahahalagang industriya gaya ng turismo, agrikultura, at kalakalan. “Ang imprastraktura ay hindi lamang tungkol sa transportasyon. May direktang epekto ito sa agrikultura, distribusyon ng pagkain, logistics, at turismo. Kapag napabuti natin ang koneksyon ng ating mga rehiyon, mas maraming industriya ang makikinabang,” ani Villar, na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Works. Kasabay ng mga pangmatagalang prayoridad, binigyang-diin ni Villar ang pangangailangan ng maayos at angkop na mga patakarang pang-ekonomiya upang matugunan ang mga panlabas na hamon, kabilang ang pabago-bagong presyo ng langis, pagbabago sa halaga ng palitan ng piso, tensiyong geopolitikal, at mga pagkaantala sa pandaigdigang kalakalan at supply chains. Aniya, malaking bentahe ang maaga at koordinadong paghahanda sa posibleng epekto ng matinding El Niño, lalo na sa produksyon ng pagkain, suplay ng enerhiya, at seguridad sa tubig. Aniya, mahalaga ang napapanahong mga hakbang upang maprotektahan ang mga mamimili at mabawasan ang posibleng epekto nito sa ekonomiya. Sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN, target na matapos ang 19 na prayoridad na economic deliverables, kung saan 14 ang inaasahang makukumpleto bago ang 49th ASEAN Summit at ang natitirang lima pagsapit ng Disyembre. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Depensa obligado ipaliwanag bayad ng GenCorp kay Sara