NASA 108 na lokalidad sa anim na rehiyon sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity matapos bayuhin ng mga bagyong Egay at Falcon – na sinabayan pa ng hanging habagat.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 2,452,738 indibidwal (katumbas ng 668,974 pamilya) sa 4,164 barangay ang apektado sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at Bicolandia.
Nasalanta rin sa dalawang nagdaang bagyo ang mga residente ng Western Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Ayon pa sa NDRRMC, nasa 13,718 pamilya (katumbas ng 50,467 indibidwal) ang pansamantalang nanunuluyan sa 736 evacuation centers.
Nasa 25 naman ang nasawi habang 52 ang sugatan.