
TIWALA si AGRI partylist Rep. Wilbert T. Lee na magkakaroon ng katuparan ang pagtaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 2.9% inflation rate pagsapit ng 2024 kung tutukan ng husto umano ng gobyerno ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura.
Pagbibigay-diin ng neophyte partylist lawmaker, sa naitalang 5.4% inflation rate nitong nakaraang buwan ng Hunyo, ang 47.3% nito ay sa hanay ng food at non-alcoholic beverages.
Paliwanag ni Lee, ang pagkain at inumin na kapwa bahagi ng agri-productions ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit sumipa ang inflation rate sa bansa.
Kaya naman hinimok ng Agri partylist solon ang pamahalaan na agresibong paunlarin ang agrikultura para sa pagpaparami ng ani at suplay nang sa gayon ay mapababa ang presyo ng iba’t-ibang food products sa mga pamilihan.
“Tama naman ang datos ni PBBM (President Ferdinand Marcos Jr.) at kung numero lang ang pagbabasehan, the President may have grounds to say that prices are stabilizing Pero sa tingin ko hindi talaga nararamdaman ng karaniwang tao ito,” sabi pa ni Lee.
Ibinigay na halimbawa ng kongresista ang ulat ng Department of Agriculture (DA), kung saan ang presyo umano ng bigas nitong Hunyo 2023 ay nasa P34 hanggang P60 kada kilo, kumpara sa presyo nito noong Hunyo 2022, na hindi naman nalalayo sa P38 hanggang P50 per kilo.
Ipinanukala ni Lee ang pagpaparami at pangangailangan maging regular na programa ng gobyerno ang pagbubukas ng Kadiwa Center, partikular sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa, upang magkaroon ang mga mamamayang Pilipino nang mapagbibilhan ng mas murang halaga ng pagkain.
“Government also needs to invest more in post-harvest facilities and in measures that will reduce the costs of rice and other produce. Kung kailangan ng gobyerno na gumastos para i-transport ang mga agri products closer to consumers, so be it. Sa murang bigas at gulay, Winner Tayo Lahat; bababa ang inflation at ito ay mararamdaman ng ating mga kababayan,” pahabol ng kongresista.