SA halip na sumuko, pinili na lamang ng isang di umano’y birador ng nagtatagong kongresista na lumaban sa mga operatiba ng lokal na pulisya.
Sa ulat ng Bayawan City police station sa lalawigan ng Negros Oriental, nakatakda sanang silbihan ng mandamiento de arresto ang isang Alex Mayagma na isinasangkot sa mga kasong pamamaslang na isinampa laban kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.
Bitbit ang apat na warrant of arrest para sa mga kasong pagpatay, tinungo ng mga operatiba ang isang farm sa Barangay Malabugas kung saan di umano nagkukubli ang di umano’y hitman ng kinatawan ng Negros Oriental sa Kamara.
Subalit sa halip na sumama ng mapayapa sa pulisya, pinaputukan ang mga operatiba habang tumatakbo palayo sa lugar kung saan siya inabutan. Dito na naghabulan hanggang sa masukol ang suspek na anila’y Top 1 Most Wanted Person sa buong rehiyon.
Bukod sa apat na asuntong murder, may mga nakabinbin kaso ng illegal possession of firearms at paglabag sa Comelec gun ban noong 2022 elections si Mayagma.