INAASAHAN ang nalalapit na pagbabalik sa Pilipinas ng hindi bababa sa 143 overseas Filipino workers na ginawaran ng pardon sa mga kasong dahilan ng kanilang pagkakakulong, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo dela Vega.
Ayon kay dela Vega, karaniwang nagpapatawad ang pamunuan ng United Arab Emirates (UAE) sa panahon ng Eid Al Adha tuwing Hunyo.
Paglilinaw ng opisyal, pawang minor offenses lamang dahilan sa pagkakulong ng 143 manggagawang Pinoy sa naturang bansa sa gitnang-silangang bahagi ng Asya.
“On the occasion of this year’s Eid Al Adha which was celebrated last June, the UAE government pardoned 143 Filipinos serving time in UAE,” saad sa isang liham ng UAE sa embahada ng Pilipinas na nakabase sa naturang bansa.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed sa iginawad na pardon sa 143 Pilipinong manggagawa sa nasabing bansa.
“I expressed my gratitude for the kindness extended to them, particularly their generous pardon of 143 Filipinos, which has brought relief to many families,” wika ni Marcos.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa UAE sa ipinadalang humanitarian aid para sa mga biktima ng bagyo at pagbaha sa bansa.
“I extend to him my heartfelt thanks for the UAEs humanitarian aid in the wake of the recent typhoons and floods that struck the Philippines,” anang Pangulo.
