MATAPOS ang anim na buwan ng imbestigasyon, dalawang heneral at 12 iba pang opisyales ng Philippine National Police (PNP) ang tinukoy ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa sabit sa tinaguriang ‘pinakamalaking drug haul’ sa kasaysayan ng kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Sa isang pulong-balitaan, hayagang pinangalanan ni DILG Secretary Benhur Abalos sina dating Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Benjamin D Santos, Jr., Police Drug Enforcement Group (PDEG) director Brig. Gen. Narciso Domingo; PDEG Regional Special Operations Unit chief Col. Julian Olonan; PDEG SOU-4A ground chief operative Cpt Jonathan Sosongco; PDEG-NCR-SOU officer-in charge Lt. Col Arnulfo Ibañez.
Pasok din sa talaan sina Maj Mivhael Angelo Salmingo ng PDEG-NCR, Lt. Col Glenn Gonzales ng QC Police District, PDEG intelligence officer Lt. Ashrap Amerol, Lt. Col. Harry Lorenzo III ng Manila Poli District-Moriones Station, Cpt Randolph Piñon ng PDEG-SOU 4A), PMSG Lorenzo Catarata, PSMS Jerrywin Rebosora; PSSG Arnold Tibay at Pat. Peter Gular.
Ayon kay Abalos, ang naturang mga aktibong pulis ay tinukoy ni dismissed PMSGT. Rodolfo Mayo, ang nakunan ng P6.4-bilyong halaga ng droga sa tanggapan ng pag-aaring lending company sa Tondo, Manila buwan ng Oktubre ng nakalipas na taon.
Sa mga naturang talaan, tanging si Santos ang retirado.