ANIM na buwan na ang nakalipas mula masakote ng mga pulis ang kabarong si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr.na nag-iingat ng 992 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon, tinukoy na rin sa wakas ni Interior Secretary ang sampung opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa massive cover-up sa pagdakip kay Mayo.
Pero ang nakakalungkot, inutusan lamang ni Abalos na mag-leave o magbakasyon muna ang sampung opisyal na kinabibilangan nina Police Brig. Gen. Narciso Domingo, kasalukuyang director ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG); Police Col. Julian Olonan, hepe ng PDEG-Special Operations Unit sa Region 4A; Police Lt. Col. Arnulfo Ibañez, officer-in-charge ng PDEG-SOU in Metro Manila; Police Lt Col. Harry Lorenzo III, nakatalaga sa Manila Police District, Moriones Station.
Kasama rin sina Police Maj. Michael Angelo Salmingo, deputy chief ng PDEG-SOU sa Metro Manila; Police Capt. Jonathan Sosongco, pinuno ng arresting team mula sa SOU-4A; Police Capt. Randolph Piñon, hepe ng intelligence section ng PDEG SOU-4A; Police Lt. Glen Gonzales, mula sa Quezon City Police District; Police Lt. Asgrap Amerol, intelligence officer ng PDEG, Police Master Sgt. Lorenzo Catarata, Police Senior Master Sgt. Jerrywhin Rebosora, Police Staff Sgt. Arnold Tibay at isang patrolman Gular.
Ang highest ranking officer na si Police Lt. Gen. Benjamin Santos ay nagretiro na noong nakaraang buwan.
“All those in the video should take a leave of absence pending the investigation of the task force which I created to look into this. If not, we will be constraint to issue appropriate orders for their preventive suspension pending investigation,” sabi ni Abalos sa isang press briefing kahapon.
Pangalawang task force na itong bubuuin para imbestigahan ang pagkakasangkot ng ibang pulis sa usapin ngunit ang unang task force palang itinatag noong Oktubre 2022 ay nagsentro lamang sa tangkang pagkupit ng pulis ng 42 kilo mula sa 992 kilo nakompiska.
Kung hindi pa raw inusisa ni Abalos si PNP chief Gen. Roldofo Azurin, Jr. noong Pebrero kung ano na ang nagyari sa naturang kaso, hindi pa mabibisto ang malawakang sabwatan sa isyu.
Napakasuwerte naman ng mga pulis na ito, isang toneladang shabu ang pinag-uusapan pero ni hindi pa suspendido, sinampahan ng kaso o nakakulong pero ang libu-libong small time pusher at drug user na biktima ng OPLAN Tokhang ay maagang nakipagkita kay Kamatayan dahil pinagkaitan ng due process ng Duterte administration.
Nakapag-retiro pa ng tahimik si Santos at baka makubra pa ang kanyang mga benepisyo.
Ano na rin kaya ang nangyari sa mga pinagsumite ng courtesy resignation na PNP generals at colonels?
Ayaw natin isipin na mahinang klase ang liderato ni Azurin dahil sa panahon niya nabisto ang drug syndicate sa PNP ngunit ibang usapin ang pagparusa sa mga sangkot rito.
Mismong si Azurin kasi ang nagsabi noong Oktubre 2022 na posibleng may iba pang kasabwat si Mayo sa illegal drug trade, anyare na?
Kung hindi pa siya kinulit ni Abalos, hindi matatalupan ang mga nagtakipan para kay Mayo.
Isang isyu pa ang pagkadawit ng mga pulis sa Negros Oriental kaya namayagpag ang illegal activities ni Rep. Arnulfo Teves sa lalawigan.
Kinailangan pang magbuwis ng buhay si Gov. Roel Degamo at walo niyang constituents at ipakalat ang militar para matuldukan ang paghahari ng mga Teves.
Dapat maging leksyon ito kina Abalos at Azurin para ipabusisi ang mga aktibidad ng mga politikong mula sa mga political dynasty gayondin ang relasyon nila sa mga pulis sa kanilang mga lugar.
Sa ganitong paraan, baka ngayon lang maging makatotohanan ang kampanya ng pamahalaan laban sa private armed groups at kriminalidad.
Nakakahiya ang katotohanan na ang mga mismong tagapagpatupad ng batas ang nasa likod ng mga sindikatong kriminal.