
SA hangaring mabilis na lutasin ang mga maliliit na kasong sibil — kabilang ang usaping may kinalaman sa utang, nanindigan ang dalawang beteranong mambabatas na di na dapat paabutin pa ang sigalot sa antas ng hukuman.
Para kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano na kapwa abogado, pwedeng resolbahin ng Lupon Tagapamayapa ang simpleng usapin tulad ng utang.
Ayon sa magkapatid na senador, kanilang ikinokonsidera ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Lupon ng Tagapamayapa para pabilisin ang pangangasiwa ng katarungan (due process).
Sa ilalim ng Katarungang Pambarangay, ang Lupon Tagapamayapa – na pinamumunuan ng kapitan ng barangay – ay tagapamagitan lamang ng magkakaaway na partido at gumagabay sa paghahanap ng solusyon sa kanilang problema. Maaari lamang magpasya ang Lupon Tagapamayapa sa kaso kung ang mga partido ay sumang-ayon na sumailalim sa arbitrasyon.
Gayunpaman, tanging ang korte lang ang may kakayahang magpataw ng desisyon at karampatang solusyon sa kaso.
“Bakit nga ba iaakyat pa sa korte ang mga simpleng kaso kung pwede namang pag-aralan [ng mga mambabatas] at [gawan ng] legislation para sa barangay na ang magdedesisyon?” pahayag ni Senador Alan sa public service program na Cayetano in Action with Boy Abunda.
Sa naturang programa, inayos ng magkapatid na senador ang hidwaan sa pagitan ng isang kasera at dalawang nangungupahan na umabot sa P11,300 ang hindi nabayarang singil sa kuryente.
Sinabi ng kasera na papayag lamang siyang manatili ang mga nangungupahan kung babayaran nila ang kanilang utang.
Pagbibigay-diin ni Senador Alan, umaabot ng buwan ang proseso ng pagsasampa ng kaso at pagharap sa korte sa Pilipinas.
Kaya para maiwasan ang abalang sanhi ng mahabang paghihintay at “sama ng loob,” mas mainam aniyang hayaan na ang Lupong Tagapamayapa ang magdesisyon sa kasong sibil kung hindi naman nangangailangan ng dalubhasang opinyon ng hukom.
“Sa ibang bansa po na very, very efficient ang korte at pagsasampa ng kaso, mabilis po ang ejectment,” ani Senador Alan.
“Eh sa atin, it takes months para matapos ang procedure samantalang ang hinihingi lang [na extension ng umuupa] ay tatlong linggo,” dagdag niya.
Ipinakita ni Senador Pia ang kagandahan ng pagkakaroon ng lupon na may kapangyarihang magpapataw ng solusyon nang sumang-ayon ang kasera sa kanyang mungkahi na payagan ang dalawang umuupa na unti-unting bayaran ang P11,300, at marinig mismo sa dalawang nangungupahan na sila nga ay magbabayad.
“Ang hirap talaga ng buhay ngayon. Masisipag naman, tinamaan lang talaga ng pandemic,” komento niya sa sitwasyon ng nagrereklamong landlady at ang mga nirereklamo.