
Ni JAM NAVALES
ANG serbisyo ng gobyerno wala dapat pinipiling oras, dapat 24/7. Ito ang giit ng isang kongresista matapos maghain ng panukalang batas na naglalayong palawigin ang serbisyo gobyerno sa mga tao.
Sa ilalim ng inihaing House Bill 10426 (24/7 Frontline Government Services Act), iminungkahi ni Agri partylist Rep. Rep. Wilbert “Manoy” Lee ang pagkakaloob ng serbisyo ang mga ahensya ng pamahalaan sa loob ng 24 oras at buong araw ng linggo kahit walang ‘face-to-face interaction’ o maaaring ma-access ng mga mamamayan sa pamamagitan ng internet.
Paliwanag ng Bicolano lawmaker, sa pamamagitan ng kanyang proposed measure ay magiging bahagi ng programa ng pamahalaan ang 24/7 Frontline Service System (FSS) partikular para sa online queries at assistance, kung saan magkakaroon din ng extended operating hours para naman sa face-to-face transactions.
Upang maging mas accessible ang government frontline services, nais ni Lee gawing mula 7:00 ng umaga hanggang alas 7:00 ng gabi, Lunes hanggang Sabado ang ‘face-to-face interaction’ sa iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno, kasama ang itatatalagang response team.
“This measure will give people who are mostly working or studying during weekdays from 8AM to 5PM a chance to avail of government services without compromising their jobs or daily tasks,” wika ni Lee.
“This way, the hassle of going to the office is needed only when the document is ready to be released. Hindi na kailangan pa ng ating mga kababayan na gumastos sa pamasahe at umabsent sa trabaho o kaya ay maghintay pa ng pagbubukas ng opisina ng gobyerno para makapag tanong sa kailangang klaruhin o sa pagpoproseso ng dokumento,” dagdag pa ng AGRI partylist solon.
“Dahil dyan, walang makakaltas na sahod, walang extra gastos, o posibilidad pang matanggal sa trabaho dahil lang sa kinailangan asikasuhin o kuning dokumento. Ang matitipid nila, mailalaan sa pagkain o sa iba pang pangangailangan lalo na kung may magkasakit sa pamilya, na isa rin sa pangunahing pangamba ng ating mga kababayan dahil sa laki ng gastos sa gamot o pagpapa-ospital,” giit din niya.
Ayon kay Lee, ang panukala ay alinsunod na rin sa kautusan ni President Ferdinand Marcos Jr., partikular sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na magsagawa ng round-the-clock shipment processing.
“Sa ganitong tuloy-tuloy na operasyon at serbisyo ng gobyerno, tataas ang ating productivity, mas marami nating kababayan ang matutulungan, Winner Tayo Lahat!,” dugtong ng may-akda ng HB 10426 bago ang nasabing direktiba ni Pangulong Marcos.
“Obligasyon ng gobyerno na pagaanin ang pasanin ng ating mga kababayan. Hindi tayo dapat maging manhid sa matagal nang problemang ito na kaya namang solusyonan na para hindi na maging pabigat sa trabaho o makabawas ng oras para sa pamilya,” aniya pa.
“The Filipino people deserve better services. So we should demand better. Gawin nating 24/7 ang serbisyong patas, epektibo at tunay na mararamdaman ng mga Pilipino.”