MATAPOS kalsuhan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang itinakdang umento sa buwanang singil sa konsumo ng kuryente ng mga negosyo at kabahayan sa Metro Manila, naglabas ang Meralco ng isang anunsyong ikinabigla ng publiko.
Sa kalatas ng Meralco, tapyas-presyo ang nakatakdang ipatupad ng naturang kumpanya ngayong buwan ng Hunyo.
Gayunpaman, nilinaw ng power distribution company na gagawin lang utay-utay sa susunod na apat na buwan ang pagpapataw ng dagdag-singil alinsunod sa kahilingan ng ERC.
Anila, hindi maiiwasan ang dagdag-singil sa kuryenteng nabibili lang din umano nila sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa halagang 64 sentimos per kilowatt hour sa kasagsagan ng kabi-kabilang brownout na dulot di umano ng manipis na supply ng kuryente. .
Isang linggo na ang nakaraan nang maglabas ng pahayag ang Meralco kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo. Sa naturang anunsyo, humingi ng pang-unawa ang nasabing kumpanya dahil sa P192 dagdag-singil para sa mga pamilyang maliit lang ang konsumo.
