WALANG epekto sa patong-patong na kasong isasampa ng Office of the Ombudsman laban kay former House Speaker Martin Romualdez ang pagbawi ng salaysay ni retired Marine Technical sergeant Orly Guteza. Sa isang kalatas, tiniyak ng Ombudsman ang nalalapit na paghahain ng kaso sa dating lider ng Kamara, kasabay ng giit na hindi kabawasan si Guteza sa pagsasakdal. Katunayan anila, may 28 indibidwal ang nagpahayag ng kahandaan tumayo bilang testigo laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects. “Hindi bago ang recantation sa mga high-profile case. Classic pressure tactic ito. Hindi umiikot ang buong imbestigasyon sa iisa o kahit sa iilang witnesses,” wika ng Ombudsman. “Sa kabila nito, ipinapaalam ng Office of the Ombudsman na mayroon itong 28 testigo na nakahandang magbigay ng direkta at materyal na kaalaman sa mga transaksyong sinisiyasat sa kaso ni dating Speaker Martin Romualdez,” dugtong ng Ombudsman. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Karahasan sa paaralan, lampas 50 mula Hunyo