PIHADONG tuliro ngayon ang isang senador na dawit sa malawakang ghost flood control projects sa Bulacan matapos ang paghahain ng tatlong malversation cases sa Department of Justice.
Partikular na tinukoy ni Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, si Senador Joel Villanueva na pinaniniwalaang nakinabang ng husto sa maanomalyang proyekto sa nabanggit na lalawigan.
Ayon kay Martinez, sinimulan na rin ng ahensya ang preliminary investigation. Gayunpaman, agad na naghain ng mosyon ang mambabatas para sa pagpapalawig ng palugit sa pagsusumite ng counter-affidavit — hiling na pinagbigyan ng ‘panel of prosecutors.’
Binigyan ng DOJ si Villanueva hang Enero 26 para magsumite ng kontra salaysay.
Samantala, tiniyak ni Martinez ang patuloy na pag-usad ng mga kasong may kaugnayan sa tinaguriang flood control scandal.
Sa kabuuan, 14 na kaso ang kasalukuyang umuusad sa ahensya, kabilang ang mga reklamo laban kina Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at dating DPWH Sec. Manuel Bonoan na pawang namumuro sa kasong plunder. (JULIET PACOT)
