TACLOBAN City – “ALL out support ang Region 8 para sa Alyansa senatorial slate,”
Ito ang muling pagtitiyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa matibay na suporta ng mahigit 3 milyong botante ng Eastern Visayas region para sa mga kandidato sa pagka-senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ayon kay Speaker Romualdez, batid din naman na si Presidente Marcos ay mayroong dugong Waray kung kaya hindi ito bibiguin ng kababayan niya sa Region 8 at tutugon sa kahilingan na iboto ang lahat ng kanyang bitbit sa senatorial race kaugnay sa nalalapit na May 12 midterm elections.
“Of course sinabi ko naman na andito tayo at nandito ‘yung ibang mga senatoriables at mga representante nila. Alam mo naman si Presidente, hindi lang Ilocano, kalahati ‘yan, Waray,” sabi pa ni Speaker Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD at isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).
Bilang pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), ang pinakamatandang samahan ng mga legal luminaries sa bansa, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagkakamit ng “straight win” ng Alyansa slate sa Eastern Visayas.
“Kaya syempre nagpapasalamat talaga siya, we are working na madeliver natin ‘yung ano nya na straight talaga ‘yung Alyansa,” ani Romualdez.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si ang lider ng Kamara sa tagumpay ng slate: “I’m hoping for it, but we will do everything we can.”
Dinaluhan ng libo-libong taga suporta, lokal na opisyal at mga pinuno ng komunidad ang rally sa Tacloban City, na nagpakita ng malakas na suporta ng rehiyon para sa mga kandidato ng Alyansa.
Ang Eastern Visayas, na binubuo ng anim na probinsya, ay may mahalagang papel sa pambansang halalan dahil sa malaking bilang ng mga botante.
Isang unity rally ang ginanap dito pinangunahan nina Speaker Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre at ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) para sa senatorial slate ni Pangulong Marcos.
Dumalo sa pagtitipon ang mga gobernador, congressman, mayors at iba pang local official at tinatawag na grassroot leaders ng rehiyon kung saan napuno ang naging venue nito, ang Tacloban Astrodome. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
