TACLOBAN City – Dahil sa limitadong galaw na maaaring gawin ng Kamara de Representantes, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na sa ngayon ay hindi nila maaaksyunan ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Well, wala pa tayo, we’re not in session right now. So, not much can be done, ‘di ba?” bungad ni Speaker Romualdez nang hingian ng reaksyon ng mga mamamahayag sa isang ambush interview dito sa lungsod.
Si Speaker Romualdez, kasama ang Tingog Party-list na pinamumunuan nina Rep. Yedda K. Romualdez, maybahay niya at Jude Acidre, gayundin ang iba pang stalwarts ng ruling Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ay nanguna sa pagdaraos ng unity rally para na rin sa mga senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Presidente Marcos, na ginanap sa Tacloban Astrodome.
Ayon kay Speaker Romualdez, wala sa kanyang opisina si House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco upang tanggapin ang reklamo dahil ito ay nasa isang seminar.
“At sa [pagka] alam ko po, maski ‘yung Sec-Gen nasa seminar sila. So, we may have to wait for the proper time to consider that,” pahayag pa ng Leyte solon, na siyang pangulo ng Lakas-CMD at isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).
Nang tanungin naman tungkol sa timing ng reklamo, sinabi ni Speaker Romualdez, na siya ring presidente ng Philippine Constitution Association (Philconsa) o ang pinakamatandang samahan ng mga legal luminaries sa bansa na “well, that’s I really don’t know. I don’t know what inspired them. But hayaan mo na lang sila.”
Nauna nang tinawag ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang reklamo bilang isang political maneuver at kinuwestyon din ang timing nito.
Sa panig ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, tinuligsa ang planong paghahain ng nasabing impeachment charge at tinuring pa niya ito bilang “cheap and desperate publicity stunt” na wala naman umanong puwang sa isang bansang umiiral ang demokrasya.
“I will personally protect the President from this baseless and malicious attack. The so-called impeachment complaint is a mere political gimmick, designed to distract the public from the real work of nation-building under the leadership of President Marcos.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
