BAGAMAT walang nakikitang banta sa halalan, pumalo sa halos 3,000 indibidwal ang nadakip sa iba’t-ibang panig ng bansa bunsod ng mahigpit na implementasyon ng gun ban.
Sa datos na ibinahagi ni Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), karamihan sa mga naaresto ay mula sa Metro Manila kung saan 1,007 ang sinampahan ng kaso.
Pumapangalawa naman aniya ang Central Visayas na nasa 380 katao habang pumapangatlo ang Central Luzon na nasa 360.
Kabilang naman sa mga nasakote sa gun ban ay 19 PNP personnel, 18 sa AFP, pito mula sa iba pang law enforcement agencies, siyam na elected government officials, dalawang appointed government officials, anim na CAFGU members, 13 dayuhan, tatlong meno-de-edad, tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) at 48 security guards.
Nasa 2,795 naman ang sibilyan.
Sa kabuuan, umabot sa 3,011 mga armas ang kumpiskado sa operasyon ng pambansang pulisya.
Enero 12 nang simulan ang mahigpit na implementasyon ng gun ban bilang bahagi ng paghahanda sa halalan. (EDWIN MORENO)
