MATAPOS ihanay sa Order of Business ng plenaryo ng Kamara, pormal nang naipasa sa House Committee on Justice ang apat na verified complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Deputy Speaker at Iloilo Rep. Ferjenel Biron, na tumayong punong-abala sa nasabing sesyon, nai-refer na naturang komite ang asunto laban sa bise-presidente.
Para kay Biron, ang nasabing hakbang ay hudyat na rin sa pagtatakda ng one-year ban na pagdulog sa kahalintulad na sumbong sa Kamara.
Matatandaan na ang pinakaunang impeachment complaint laban kay Duterte ay inihain sa opisina ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil noong Pebrero 9 ng grupo mula sa Makabayan Coalition at inindorso nina Partylist Representatives Antonio Tinio of the Alliance of Concerned Teachers (ACT), Sarah Jane Elago ng Gabriela Women’s Party, at Renee Louise Co ng Kabataan.
Kasunod nito, dumulog din sa Office of the House Secretary General ang grupo ng pari, civil society leaders at legal practitioners para ihabla rin ang pangalawang pangulo kung saan tumayong endorsers sina Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima at Perci Cendaña ng Akbayan.
Noon namang Pebrero 9, inindorso rin ni De Lima ang pangatlong impeachment charge na isinampa nina Rev. Fr. Joel Saballa, Rev. Fr. Joselito S. Sarabia, Rev. Fr. Edilberto J. Baculi, Rev. Fr. Rogelio D. del Rosario, Pastor Leonard P. Arevalo, Pinky L. Tam, Maria Loreto A. Lopez, Atty. Jalilo O. dela Torre, Atty. Democrito C. Barcenas, Atty. Lourdes Barcenas, Sister Ma. Liza Ruedas, Sister Violeta B. Cecilio, at Sister Geraldine J. Denoga.
Habang noong nakaraang linggo, natanggap ni Garafil ang pang-apat na verified complaint mula kay Atty. Nathaniel G. Cabrera kung saan tumayong endorsers sina House Committee on Human Rights Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Maynila at Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V ng La Union.
Nakatuon ang reklamo laban kay Duterte-Carpio sa umano’y kabiguan ideklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ang mga tinaguriang “unexplained wealth disproportionate to her lawful income.”
Sa pagpasa sa House Committee on Justice ng apat na impeachment charges, inaasahang ang pagtatakda ng pagdinig para tukuyin kung nasa tamang porma ang bawat sumbong at pagkatapos naman ay kung mayroong sapat o matibay na batayan para maisakdal ang akusado.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang sinumang mahalal na bise presidente ay maaaring mapatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment proceedings kung mapapatunayan ang paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil o treason; bribery, graft and corruption; at iba pang tinatawag na “high crimes.” (ROMER R. BUTUYAN)
