TAPOS na ang pagsusuring ginawa ng Commission on Elections (Comelec) sa Statements of Contribution and Expenditure (SOCE) ni Senador Rodante Marcoleta.
Gayunpaman, inamin ni Comelec Chairman George Garcia na wala pang inilalabas na resolusyon ang ahensya hinggil sa hindi pagkakatugma ng SOCE na isinumite ni Marcoleta, matapos manalo sa posisyon ng senador noong 2025 national elections.
Paglilinaw ni Garcia, ang Political Finance and Affairs Department — at hindi ang mga commissioners — ang nagsagawa ng pagsusuri sa SOCE ng ngayo’y Senador Marcoleta.
Partikular na sinilip ng poll body ang deklarasyon ni Marcoleta na nagsasabing wala siyang natanggap na kontribusyon sa mahigit P112 milyong ginastos sa kampanya gayong nasa halos P52 milyon lamang umano ang nasa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng naturang mambabatas.
Depensa ni Marcoleta, ibinigay ang campaign donation bago pa man siya opisyal na maging kandidato, batay na rin sa Peñera ruling kung saan sinabi ng Korte Suprema na magiging kandidato lamang ang isang naghain ng COC pagpasok ng unang araw ng campaign period.
Giit ni Garcia, ang Comelec Law Department ang magpapasya sa kapalaran ni Marcoleta. (JULIET PACOT)
