SA pagpasok ng taong 2025, mahigit sa 400,000 maralitang pamilya ang napabilang sa talaan ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Assistant Secretary Irene Dumlao na tumatayong tagapagsalita ng DSWD ang isinagawang validation ng ahensya para sa mga bagong benepisyaryong kapalit ng mga pamilyang naka-graduate na sa programa.
“These 434,317 households are next in line to replace the beneficiaries who have graduated from the program through the ‘Pugay Tagumpay’ ceremony,” wika ni Dumlao.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na meron pang 1,184,768 pamilya ang sumasailalim na validation para makatanggap rin ng benepisyo mula sa gobyerno.
May mga kondisyon din aniya para maging benepisyaryo ng 4Ps kabilang ang pagpapaaral sa mga anak at medical checkup sa mga barangay.
Sa loob ng pitong taon, makakatanggap ang pamilya ng buwanang P750 subsidy, P600 na rice subsidy, P300 sa nag-aaral na anak sa elementary at P700 hanggang senior high school.
