
MAGSISILBING mitsa laban sa administrasyon ang 2025 General Appropriations Bill kung lalagda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ina inaprubahang panulakang budget kung saan mas malaki ang nakalaang pondo sa imprastraktura kesa sa sektor ng edukasyon at kalusugan.
Sa isang pahayag, binalaan ni former Senate President Franklin Drilon si Marcos sa aniya’y malinaw na paglabag sa 1987 Constitution kung saan nakasaad ang mga sektor sa prayoridad sa paglalaan ng pondo.
Gayunpaman, naniniwala si Drilon na gagamitin ni Marcos ang veto power para bawasan ang mga tinaguriang insertions sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Anang dating lider ng Kamara, malinaw na pork barrel ang P288-bilyong isiningit ng mga kongresista sa 2025 national budget na pinagtibay ng bicameral conference committee.
“Ibe-veto po niya para bumaba ang allocation,” sambit ni Drilon sa isang panayam sa radyo.
Aniya, posibleng mag-realign si Marcos para madagdagan ng pondo ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth), Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ng gobyerno na tinapyasan sa bicameral conference committee.
“Ang proseso po, i-line item veto yung P288 at pagdating ng panahon, i-realign niya yung mga pondo na nakalaan sa P288B,” dugtong ng beteranong mambabatas.
Sa ilalim aniya ng Universal Healthcare Law nakasaad na may bahaging matatanggap kada taon ang PhilHealth mula sa koleksyon ng gobyerno sa tinatawag na sin tax – mga buwis mula sa sigarilyo at alak.