NANINDIGAN ang Kamara na mananatili sa Batasan Detention Center si Col. Hector Grijaldo para siguradong sisipot sa pagdinig ng quad committee na inatasang mag-imbestiga sa pamamaslang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary retired Gen. Wesley Barayuga.
Si Grijaldo ang hepe ng Mandaluyong Police Station nang patayin ng hindi pa natutukoy na salarin si Barayuga noong Hulyo 30, 2020 paglabas ng PCSO Compound sa naturang lungsod.
Pagkatapos paslangin, kinaladkad ng nagdaang administrasyon ang pangalan ng retiradong heneral sa kalakalan ng droga.
Sa isang pahayag, nanindigan si quad committee lead chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa desisyon ng joint panel na ikulong si Grijaldo, kasabay ng hamon sa mga kritiko.
“Kung meron mang abuso na ginawa ang Quad Committee sa pag-cite sa kanya in contempt, pwede silang pumunta sa korte, rerespetuhin po namin ang magiging aksyon ng korte sa amin sa Quad Committee,” saad ng ranking House leader.
“Hindi naman po kami perpekto, maaaring kami ay may pagkakamali rin eh. Tanggap po namin yan (desisyon ng korte),” dugtong ng kongresista.
Iginiit naman ni Barbers na hindi ang pagkulong, kundi ang pagtanggi ni Grijaldo na humarap sa imbestigasyon ang isyu.
“Bakit pinag-uusapan yung alleged abuso ng mga Quad Comm (members) tsaka pag-cite sa kanya ng contempt? Bakit hindi pag-usapan yung kanyang abuso sa pagsisinungaling at paninirang puri sa mga miyembro ng Quad Committee,” sambit ng mambabatas sa isang panayam sa radyo.
“Bakit ang tinitingnan nitong mga nagpapahayag sa social media ay yung pagdepensa kay Grijaldo. Bakit hindi nila alamin kung anong ginawa ng kasama nila kung bakit siya na-cite in contempt?” dagdag pa nito.
Ayon kay Barbers, apat na beses binalewala ni Grijaldo ang imbitasyon ng Kamara sa pagdinig ng quad comm sa usapin ng extrajudicial killings (EJK) sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
“Andami pong dahilan, palusot na mismong mga kasama niya sa PNP ang nagsabi na hindi naman siya baldado, siya po’y nakakapaglakad, nakakatayo, nakakapagsalita, nakakapag-isip ng tama, bakit hindi yun ang pinag-uusapan?”
“Dahil ba mabubuko yung sinabi mong (Grijaldo) kasinungalingan sa Senado. Kailangang panindigan n`ya `yan kung matapang kang pulis, pulis ka nga, colonel ka pa,” patutsada ng kongresista.
Isa aniya sa posibleng dahilan sa pag-iwas ni Grijado ay ang di umano’y kaugnayan sa pagpatay kay Barayuga.
