
SA pag-aakala na nagbebenta ng panandaliang aliw, limang babaeng overseas Filipino workers (OFWs) ang nasadlak sa likod ng malamig na rehas sa lungsod ng Sharjah sa United Arab Emirates (UAE) kaugnay ng video ng pagsasayaw na inilabas sa social media.
Ayon sa kapatid ng isa sa limang nakapiit sa naturang bansa, Marso 12 nang magkatuwaan ang apat na hindi pinangalanang OFWs na i-upload ang kanilang pagsasayaw sa Tiktok digital platform.
“Ako po ay humihingi ng tulong sa ating embahada, napagkamalan po silang prostitute,” saad ng kapatid ng OFW.
Kinumpirma naman ni Secretary Toots Ople ng Department of Migrant Workers (DMW) ang insidente.
“They have been arrested, they were brought to jail and may case number na at hihintayin na lang natin yung schedule ng court hearings sa Sharjah court. Meron na silang legal retainer na nakuha para irepresent itong karapatan nitong ating limang OFWs sa korte,” wika ni Ople.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang Philippine Embassy na nakabase sa UAE para kausapin ang mga amo ng mga nakakulong na OFWs.
Sa ilalim ng umiiral na cybercrime law sa UAE, may karampatang multa at parusang pagkakakulong hanggang limang taon ang mga mapapatunayan may sala ng husgado.
“UAE is strictly implementing its cyberlaw and is also very sensitive to actions against their customs and morality. Iba ang kultura nila, so we have to be very, very respectful,” paliwanag ng Kalihim.
“‘Yung sa pamilya wag kayo mag-alala babantayan din namin ang kaso and kokontakin namin kayo direcho para makakuha kayo ng updates,” dagdag pa ni Ople.