
TALIWAS sa paandar ng Palasyo hinggil sa sapat at abot-kayang bigas, nakatakdang tumaas ng P5 ang presyo kada kilo ng bigas na binebenta sa mga pamilihan, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Katwiran ng DA sa nakatakdang pagtaas sa presyo ng bigas, nagmahal na rin ang farmgate price ng palay na karaniwan sa panahon ng tag-init.
Isa rin anila sa nakikitang dahilan ang mataas na antas ng gastusin ng mga magsasaka at ang limitadong nakaimbak na supply. Sa pagtataya ng opisyal, kasya lang sa 51 araw ang supply ng bigas batay sa imbentaryo ng kagawaran.
“Our projection is an increase of P5 per kilo… that’s the maximum,” ayon kay DA Assistant Secretary Rex Estoperez.
“During the Summer harvest season, prices are normally high because the palay is already dry… Plus, the cost of inputs are also increasing,” dagdag pa niya.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak ng 1.77 milyong metriko tonelada ang supply ng bigas noong buwan ng Enero – malayo sa 3.33 milyon metriko toneladang sapat para sa 90 araw.
Aniya pa, nasa 37,000 metriko toneladang kinokonsumo ng mga Pilipino kada araw.