PAGKATAPOS ng pasakit na kalakip ng pagtitika sa Semana Santa, panibagong sakripisyo naman ang naghihintay sa mga motorista sa nakaambang bigtime oil price hike ngayong Martes, Abril 11.
Sa kalatas ng Cleanfuel, tumataginting na P2.50 kada litro ang karagdagang pataw sa presyo ng gasolina habang P1.50 naman kada litro ang dagdag-presyo sa krudo.
Paliwanag ng Department of Energy (DOE), ang pagbabawas sa produksyon ng mga bansang kasapi ng Oil Producing Exporting Countries (OPEC) ang nakikitang dahilan sa likod ng panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa datos ng OPEC, nasa 1.16 milyong bariles ng langis ang binawas sa produksyon ng mga bansang kasapi ng nasabing organisasyon.
Mula Enero ng kasalukuyang taon, pumalo na sa P6.05 ang ipinataw na dagdag-presyo sa bentahan ng gasolina.