
MATAPOS ang pagbawi ng testimonyang nagngungso kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., lima pang akusado sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo ang bumaliktad sa kanilang salaysay na nagdidiin sa nagtatagong kongresista bilang utak sa likod ng mahabang talaan ng pamamaslang sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ayon kay Atty. Andres Manuel na tumatayong abogado ni Teves, tuluyan nang binawi nina Winrich Isturis, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, at Eulogio at John Louie Gonyon ang kanilang testimonyang nilagdaan ‘bunga ng panggigipit at pananakot’ di umano ng Department of Justice (DOJ).
“Nag-submit ‘yung limang respondents nung kanilang sinumpaang salaysay at pinasumpaan ng panel ngayong araw na ito sa pamamagitan ng online via Zoom at in-affirm naman nung lima yung kanilang mga statements,” ani Manuel.
Bago ang pagbaliktad ng lima, una nang binawi nina Romel Pattaguan, Dahniel Lora, Osmundo Rivero, Joven Javier, at Rogelio Antipolo ang kanilang salaysay
“So kung wala nung sampung nag-recant, sa paniniwala namin eh sapat na ‘yun para maging katanungan kung tama pa ba a ituloy o tama ba na kasuhan si Congressman Teves,” giit ng abogado.
Kumpyasa naman ang DOJ na matibay pa rin ang kanilang kaso laban kay Teves at iba pang akusado dahil sa may bisa pa rin umano ang unang ibinigay na affidavits ng mga suspek.