PINAPURIHAN ni ranking House minority bloc member at AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa pagpapatibay ng pagtataas sa P610 ng daily minimum wage, o dagdag na P40 mula sa dating P570 para sa mga non-agriculture sector worker sa National Capital Region (NCR).
Kasabay nito, umaasa ang kongresista na ang iba pang Regional Wage Boards (RWB) ay magpapalabas din ng “minimum daily wage increase order’ upang maging ang mga manggagawa sa iba pang bahagi ng bansa ay matulungan sa pang-araw araw na gastusin.
“Sa panahon na mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, malaking tulong pa rin ang dagdag-sahod na ito lalo na para sa ating urban poor sa Metro Manila,” ang pahayag pa ni Lee hinggil sa naturang minimum daily salary increase na ipatutupad sa NCR.
“Ang hiling natin ay sana magpatupad na rin ng minimum wage increase ang iba pang mga rehiyon sa lalong madaling panahon, lalo na sa mga lugar na maraming naghihirap,” ang hirit naman ng AGRI party-list lawmaker.
Base sa pinagtibay na direktiba, papalo sa P610 ang minimum daily wage ng mga manggagawa sa Metro Manila na bahagi ng non-agriculture sector, habang magiging P573 naman (mula sa dating P533 ang nasa agriculture sector) ang magkakabisa sa Hulyo 16.
Sa pagtaya ng DOLE, nasa 1.1 million minimum wage earners na nagtatrabaho sa Metro Manila ang makikinabang sa naturang umento.
Samantala, binigyan-diin naman ni Lee na ang paglikha ng maraming trabaho at pagtitiyak na tumanggap ng tamang sahod at nakasasapat din sa gastusin ng mga manggagawa ang kanilang sweldo, ang siyang maging pangunahing responsibilidad ng pamahalaan.
“In order to accomplish this, efforts should also be focused on creating a business-friendly environment that will encourage investments and spur the growth of local industries. While the government recognizes and acts on the needs of our workers, it must also realize that it has to empower the business sector so that businessmen are in a position to provide jobs and higher wages.” giit pa niya.