PINAPASPASAN na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang decongestion program sa New Bilibid Prisons (NBP) facility sa Muntinlupa matapos ilipad sa Davao Penal Colony ang 500 preso.
Partikular ni tinukoy ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang ang 250 persons deprived of liberty (PDL) mula sa Maximum Security Camp, 50 galing sa Medium Security Camp at 200 sa Reception and Diagnostic Center ng national penitentiary.
Sa RDC dinadala ang mga bagong bilanggo para sa diagnostic review para matukoy kung alin sa mga programa ng BuCor pasok ang kakayahan ng PDL.
Pag-amin ni Catapang, magtutuloy-tuloy ang paglilipat ng mga PDLs bago pa man tuluyang isara ang NBP facility pagsapit ng 2028.
Katunayan aniya, limitado lang sa 60 araw ang pananatili sa RDC ng mga bagong pasok na preso. Pagkatapos na nasabing panahon, ibabiyahe na rin sa iba pang operating penal farm na nasa ilalim ng pangangasiwa ng BuCor.
“Nasa proseso na ang BuCor sa pag-decongest ng NBP at bilang paghahanda sa pagsasara ng NBP bago ang 2028, hindi na nagdaragdag pa ng mga bagong pasok na PDL sa NBP,” ani Catapang.
Hindi naman binanggit ni Catapang kung kailan ibabiyahe sina Deniece Cornejo, Cedric Lee, Simeon Raz at Ferdinand Guerrero na nahatulan ng reclusion perpetua sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng actor-TV host na si Vhong Navarro.
