KONTING kembot pa, matitikman ng sektor nina lolo, lola at persons with disability (PWD) ang mas malawak na diskwento matapos makalusot sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang dagdag-diskwento sa mga produktong naka-promo.
Ayon kay Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, pasok sa panukala ang exemption ng mga seniors at PWDs sa ipinapataw na Value-Added Tax (VAT) ng gobyerno.
“Halimbawa may 20 percent sale o promo ang tindahan o hotel o restaurant, dagdag pa ito sa diskwento nila at VAT exemption bilang mga senior at PWD”, wika ni Tulfo na pangunahing may akda ng House Bill 10312.
Para kay Tulfo, higit na angkop na isabatas sa lalong madaling panahon ang mas pinalawak na diskwento para kina lolo, lola at mga PWDs lalo pa’t di naman aniya ikakalugi ng mga negosyante ang kaunting pabor na babawasin pa sa buwis na kanilang babayaran sa gobyerno.
Una nang inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang Kamara na paspasan ang pagpapatibay ng HB 10312.
“Ayon kay Speaker Romualdez ang mga senior at PWD ang pinaka kawawa na sektor na dapat tulungan”, sambit ni Tulfo.
Pahabol pa ni Tulfo, pakikinabangan ng mga nabanggit na sektor ang pinalawak na diskwento bago matapos ang 19th Congress.
