BAGAMAT mas nakararami sa mga Pilipino ang pipiliin ang mapayapang paraan sa pagresolba ng usapin kontra China, anim naman sa kada 10 Pinoy ang handang lumaban at ipagtanggol sa tinubuang bayan.
Batay sa resulta ng survey na pinangasiwaan ng Octa Research Group mula Hulyo 22 hanggang 26, 70% ng mga Pilipino ang pabor na gamitan ng diplomasya ang usapin hinggil sa West Philippine Sea.
Sa datos ng Octa, nasa 84% ng mga respondents sa Visayas ang naniniwalang diplomasya ang pangunahing solusyon sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, habang nasa pangalawang pwesto naman ang Mindanao na nagtala ng 70%, nasa 67% naman sa Balance Luzon at 64% sa National Capital Region.
Pinakamarami sa naturang bilang ang pasok sa kategorya ng Class E (mga maralita) na nasa 80% habang 58% naman ang nagmula sa Class ABC at 69% sa Class D.
Kapansin-pansin sa pagsusuri ng Octa ang 65% na nagpahiwatig ng kahandaan ipaglaban ang teritoryo ng Pilipinas sa paraan ng isang madugong sagupaan.
Nasa 61% ng kabuuang respondents ang naniniwalang kailangan ng pamahalaan isulong ang modernisasyon ng hukbong sandatahan para protektahan ang nasasakupang bahagi ng karagatan sa kanlurang bahagi ng bansa.