
MAHIGIT sa 100 Pinoy na naninirahan sa Maui Island sa Hawaii ang ‘missing’ matapos sumiklab ang isang wildfire na tumupok sa tinatayang sanlibong tahanan.
“Just not to exaggerate, hundreds of Filipinos are missing,” ayon kay Kit Zulueta Furukawa na tumatayong director ng Maui Filipino Chamber of Commerce (MFCC).
Ayon kay Furukawa, pangalawa ang mga Pinoy sa pinakamaraming lahing nakatira sa naturang isla na na ikalawa na ang mga Pilipino sa may pinakamalaking populasyon sa isla ng Maui. Nasa 200,00 ang naninirahan sa naturang isla.
Batay sa mga lumabas na ulat, nasa 1,000 ang patuloy na hinahanap habang 89 ang opisyal na bilang ng mga nasawi sa insidente ng sunog na naganap noong nakaraang Biyernes.
Pag-amin ni Hawaii Filipino-American Senator Gilbert Keith Agaran, karamihan sa tinupok ng wildfire ang tahanan ng mga Fil-Am.
Kabilang rin aniya sa 89 na nasawi ang mga Pilipino. Gayunpaman, wala pang detalye sa pagkakakilanlan at kung ilan ang eksaktong bilang ng mga Pinoy na pumanaw sa nasabing insidente.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo Jose de Vega na wala pa silang opisyal natatanggap na ulat mula sa tanggapan ng konsulado ng Pilipinas sa Hawaii kaugnay ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Sa datos ng DFA, nasa 25,000 Filipino-Americans (katumbas ng 17% ng kabuuang populasyon ng Maui) ang naninirahan sa nabanggit na isla, habang, nasa 200,000 Pinoy naman ang nagtatrabaho sa estado ng Hawaii.