MATAPOS makatanggap ng impormasyon hinggil sa muling pagtaas ng presyo sa merkado, binalaan ng lider ng lider ng Kamara ang mga negosyanteng aniya’y nagsasamantala sa mga konsyumer.
Partikular na tinukoy ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang bentahan ng sibuyas na pumalo na di umano sa halos P200 kada kilo – higit pa sa nararapat na presyo.
Para kay Romualdez, hanggang P120 na lang dapat ang bentahan ng kada kilo ng sibuyas na aniya’y mura lang naman di umanong binibili ng mga traders sa mga onion growers.
“Dapat hindi lalampas ng P120 ang kilo ng sibuyas sa merkado. Mura ang kuha ng mga traders sa mga onion growers natin at mura rin ang bili ng mga importers ng sibuyas sa labas ng bansa.”
Batay sa aniya’y kwenta ng mga ahensyang nangangasiwa sa kalakalan at komersyo, P120 kada kilo na dapat ang pinakamataas na presyo ng sibuyas sa mga pamilihang bayan.
“Sa aming computation, dapat hindi na talampas sa P120 per kilo ang presyo ng sibuyas pagdating sa palengke dahil ang wholesale o puhunan ng mga traders diyan ay P90 a kilo, kasama na riyan ang transport cost at kita nila,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Naniniwala rin si Romualdez na aktibo na naman ang mga mapagsamantalang negosyante, kartel at hoarders na lumilikha ng artificial shortage ng supply sa merkado sa hangaring makapagdikta ng presyo sa mga tinatagong produkto.
“Wag na nila (hoarders) antayin na pasukin natin ang mga bodega o cold storage nila at kasuhan sila ng economic sabotage,” pahabol ni Speaker.