
MATAPOS ang mahigit isang buwan, sinampahan ng kasong sedisyon ang abogado ni Pastor Apollo Quiboloy dahil sa pagpigil sa mga operatibang inatasan maghain ng mandamiento de arresto laban sa puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nasukol sa loob ng 30-ektaryang KOJC Compound sa Buhangin District, Davao City.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group(CIDG) chief Brig. Gen. Nicolas Torre III, kasong sedisyon ang isinampa sa Department of Justice laban kay Atty. Israelito Torreon.
Pasok din sa demanda ang 10 iba pa dahil sa pagharang sa mga awtoridad na arestuhin ang religious leader noong Agosto.
Bukod kay Torreon, kasama rin sa charge sheet si dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, Jeffrey Celis, Eleanor Cardona, Kathleen Kaye Laurente, Trinidad Arafol, Lord Byron Cristobal, Joey Espina Sun, Esteban Lava, Jose Lim III at Marie Dinah Fuentes.
Sa naturang talaan, walo ang kinasuhan ng inciting to sedition para sa paglahok sa barikada sa entrada ng KOJC Compound, habang sina Badoy at Celis na kapwa host ng isang programa sa SMNI, ay kinasuhan bunsod ng panawagan para sa isang pag-aalsa laban sa pamahalaan.
“Well, nakita nyo naman, the government is serving a warrant of arrest against the five fugitives and they are preventing us from doing so. So, isa yun sa mga specific na mga offenses or acts against the respondents… Yun ang papasok sa sedition and inciting to sedition,” pahayag ng CIDG chief.
Kasalukuyang nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Quiboloy para sa mga kasong Qualified Human Trafficking at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.