
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ANG pangako tinutupad, hindi pinapako, ayon kay Congressman Wilbert Lee kaugnay ng pangako ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na pababain ang gastos sa pagpapagamot ng mga mamamayang Pilipino.
“Naninindigan tayo na ang pondo para sa kalusugan ay dapat gamitin para sa kalusugan. Hindi ito dapat gamitin sa mga proyekto na di kasing halaga ng kalusugan ng ating mga kababayan, o sa proyektong wala namang mamamatay kung hindi gawin,” pahayag ni Lee.
“Sinusubaybayan natin ang progreso sa mga dagdag na serbisyong pangkalusugan na nakatakdang ipatupad ng DOH at PhilHealth simula Nobyembre. These benefit enhancements are long overdue,” dugtong ng kongresista.
Partikular na tinukoy ni Lee ang commitment letter nina Health Secretary Ted Herbosa at PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. na nilagdaan sa pagsalang sa plenaryo para sa panukalang 2025 budget ng Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga tinututukan ng mambabatas ang hindi bababa sa 80% coverage para sa cancer treatments gaya ng chemotherapy, at heart bypass at iba pang medical procedures sa sakit sa puso pagsapit ng December 31, 2024; pagbibigay ng libreng diagnostic tests kabilang ang Positron Emission Tomography (PET) scan, Computed Tomography (CT) scan at Magnetic Resonance Imaging (MRI) bilang bahagi ng outpatient services.
Nangako rin kay Lee ang dalawang opisyal na magpapatupad ng 50% across-the-board PhilHealth benefit increases sa susunod na buwan at libreng pediatrics at adult prescription glasses.
“Milyon-milyong Pilipino ang araw-araw nagtitiis at lumalala ang sakit, o sa kasamaang palad ay namamatay, nang hindi man lang nagagamot o nakakatuntong sa ospital dahil sa dagdag pangambang dulot ng mahal na gamot at pagpapagamot,” diin ni Lee.
“Hindi tayo dapat pabigat sa taumbayan. Hindi na dapat pinatatagal ang implementasyon ng mga serbisyong kailangang-kailangan ng mga Pilipino, lalo na’t nandyan na ang pondo. Gawin na natin ito hanggang sa maging libre ang gamot at pagpapagamot,” pahabol ni Lee.