
HANDANG-handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumugon sa sandaling ipatupad ng China ang polisiyang nagbabawal sa pagpasok at paglalayag ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.
Partikular na tinukoy ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang napipintong pag-aresto ng Chinese Coast Guard sa mga tinawag ng China na “foreign trespassers” ang ang pinaiiral ng “fishing ban” sa loob mismo ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Giit ni Padilla, hindi kinikilala ng Pilipinas ang fishing ban na ipinatutupad ng China.
“Hindi natin nire-recognize ang fishing ban na ito. Ito ay sa ating territorial waters at dapat talaga ang ating mga mangingisda can freely fish in these waters,” ani Padilla.
Pag-amin ng tagapagsalita ng AFP, may mga contingency plans at resources ang AFP para sa agarang pagresponde sa sandaling dakpin at ikulong ng Chinese Coast Guard isa man sa daan-daang mangingisdang naglalayag karagatang pasok sa exclusive economic zone ng bansa.
Bukod aniya sa AFP, kasama rin sa “reresbak” ang Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Samantala, pinawi ni Padilla ang agam-agam ng mga mangingisdang Pinoy, kasabay ng garantiya ng seguridad sa mga umaasa sa yamang-dagat ng West Philippine Sea.
Sa kaugnay na balita, inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. target ng administrasyon magparami ng kakampi sa bisa ng multilateral alliances sa iba’t ibang bansa.
Paliwanag ni Marcos, malaking bentahe kung hindi lang Pilipinas ang maninindigan laban sa aniya’y hayagang paglabag ng China sa umiiral na international law – partikular sa usapin ng est Philippine Sea.
“Well, it’s… Tagalugin natin, marami tayong kakampi. Ganun lang kasimple. So, imbes na boses lamang ng Pilipinas, boses ng marami. And that’s always important.”