TALIWAS sa kwentong anak siya ng katulong na nabuntis ng negosyanteng ama, isang dokumento ang inilabas ni Sen. Risa Hontiveros na nagpapatunay na isang Chinese national din Chinese national ang tunay na ina ni Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Hontiveros, isang Lin Wen Yi ang lumalabas na biological mother ng mayor na nahaharap sa kabi-kabilang imbestigasyon kaugnay ng kwestyunableng pagkatao.
Batay aniya sa dokumento, kasosyo ni Guo sa kanyang mga negosyo ang ina at mga kapatid na sina Shiela L. Guo at Siemen L. Guo, at ang amang si Jian Zhong Guo.
Kabilang sa mga tinukoy na family business ng mga Guo ang QJJ Group of Companies, QJJ Farms, QJJ Embroidery, QJJ Meat Shop, 3LIN-Q Farm, QJJ Slaughterhouse, at QSeed Genetics.
Lumalabas din sa nakalap na dokumento ni Hontiveros na magkakasama ang mag-anak sa 170 biyahe patungo sa China at pabalik ng Pilipinas sa nakalipas na anim na taon.
Para sa senador, lubhang mahalaga matukoy ang tunay na ina ni Guo sa paniwalang hindi Pinoy kundi isang full-flooded Chinese national ang Bamban mayor.
“The identity of Mayor Alice’s mother is crucial to this whole saga. Kung Chinese pala ang ina, at Chinese umano ang ama, mapapatunayan na hindi nga talaga Pilipino si Mayor. Kung totoo ito, ang mas malaking tanong: bakit kailangan niyang magkunwari? Bakit may pagtatago at pagsisinungaling?” hirit ng senador.
“Kung nagawang magsinungaling ni Mayor Alice tungkol sa mga kapatid niya, hindi malayong mangyari na tinatago niya rin ang totoong pagkatao ng nanay niya. Nagsisinungaling siya sa nakalipas na dalawang pagdinig. Ang daming imbento, halos wala nang lumalabas na totoo sa bibig niya,” dagdag pa niya.
“Magkakamag-anak ba silang lahat? Is this one big, dubious family business? As Sen. Win (Gatchalian) also noted, travel records show that Jian Zhong Guo and Lin Wen Yi travel together at least 170 times in the span of six years. Business partner lang nga ba o baka asawa talaga?”
Bukod sa travel records, ibinahagi rin ni Hontiveros ang dokumentong mula sa Bureau of Internal Revenue kung saan nakasaad ang mga petsa ng kapanganakan at address ng mga kasamang incorporator ni Mayor Guo, na sinasabing mga miyembro ng kanyang pamilya.
“1971 ang birth year nitong Lin Wen Yi. Kung siya ang tunay na ina, 15 years old lang siya nang iniluwal si Alice. At kung siya din ang ina ni Sheila na aminado si Alice na kapatid niya, aba 13 years old lang siya nung niluwal si Sheila? Unless ito ay gawa-gawa lang lahat, kathang isip ng isang sindikatong Tsino na pinahintulutan ng mga kawani ng gobyerno,” ani Hontiveros.
“May isa pa kaming source na nagsasabi na ‘Winnie’ ang tawag sa nanay ni Mayor Guo. Filipinized version kaya ito ng Lin Wen Yi? Bakit kaya sinisikreto? Sino ba itong pamilya na ito? Bakit nakapalibot sa misteryo? We will get to the bottom of this,” pagtatapos ng senador.
