WALANG dahilan para patawan ng danyos ang isang paaralan dahil sa ingay na mula sa regular na aktibidad ng mga mag-aaral.
Ito ang giit ng Korte Suprema kaugnay ng kasong inihain laban sa Couples for Christ School of the Morning Star.
Sa desisyon ng Supreme Court Third Division, nilinaw nilinaw ni Associate Justice Samuel Gaerlan na hindi maituturing na “nuisance” ang ingay mula sa regular na aktibidad ng paaralan.
Hindi rin anila sapat na batayan ang naturang ingay para papanagutin sa danyos ang isang eskwelahan.
Kasabay ng paglabas ng desisyon, ibinasura na rin ng kataas-taasang hukuman ang naunang pasya ng Court of Appeals (CA) na kumatig sa mga residente ng Saint Joseph Subdivision sa Barangay Villa Kananga, Butuan City.
Giit ng mga residente, nakakagambala ang ingay mula sa mga aktibidad ng paaralan kabilang ang paggamit ng mikropono, mga laro at iba pang gawain.
Gayunpaman, ipinunto ng Korte Suprema na ang naturang mga tunog ay bahagi ng normal na operasyon ng paaralan at hindi lalampas sa inaasahang ingay mula sa ganitong uri ng institusyon.
Batay sa desisyon, hindi napatunayan ng mga residente na ang ingay ay nagdulot ng seryosong pinsala sa kalusugan o labis na pagka abalang lampas sa nararanasan ng isang karaniwang tao.
Wala rin anilang nilabag ang Couples for Christ School of the Morning Star na may sapat na permit at sumunod sa itinakdang limitasyon ng ingay.
Ayon sa Korte Suprema, ang ingay ay maituturing lamang na “nuisance” kung ito ay nakapipinsala sa kalusugan o labis na nakaiinis sa isang ordinaryong tao, at hindi dahil lamang sa pagiging sensitibo ng ilan sa tunog sa kanilang kapaligiran.
