
HINIKAYAT ni Senador Bong Go ang Department of Health (DOH) na ibigay na ang allowance at benepisyo ng health workers na isinakripisyo ang buhay sa panahon ng pandemya ng Covid-19.
Sinabi ni Go, chairperson ng Senate committee on health, kay Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA), na ilang healthcare workers ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang allowance.
Ipinabibilis din niya sa kagawaran ang mabilis na proseso sa paglalabas ng allowance ng mga manggagawa sa pangkalusugan, alinsunod sa batas.
“Marami po talagang mga backlog na payables ng health emergency allowance. Yung mga HEA nila na hindi pa nababayaran, baka may mga backlog pa po from the previous years. Kaya parati akong nananawagan sa DBM, sa Department of Health na bilisan natin ang paglabas nito,” giit ni Go.
“Pasado naman ito sa Kongreso noon. Ipinasa natin ito. Napakaliit lang po niyan na halaga (para) sa sakripisyo na ginawa nila para sa ating bayan sa panahon ng pandemya,” anang pa ng senador.
Binigyang-diin din ni Go na ang pinakamaliit na magagawa ng gobyerno ay tiyaking matatanggap ng healthcare workers ang kanilang allowance nang walang pagkaantala. Ani Go, mahalaga ang patuloy na pagsuporta sa frontliners kahit inalis na ang state of public health emergency.
Si Go ay isa sa may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng benepisyo at allowance sa HCWs sa panahon ng public health emergency tulad ng Covid-19 pandemic.