
SINAMPAHAN na ng Commission on Elections (Comelec) ng disqualification case ang 35 kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa mga paglabag sa maagang pangangampanya.
Mismong si Comelec Director Nick Mendros, pinuno ng “Task Force Anti-Epal,” ang nagsampa ng DQ case sa Clerk of the Commission.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, inaasahan nila na madadagdagan pa ang bilang ng masasampahan ng kaso sa patuloy na pagsusuri ng ahensya sa mga inihaing reklamo laban sa mga kandidato.
Sa inisyal nilang pagtataya, inaasahan na mayroong 194 posibleng DQ cases na maihahain nila. Inaasahan na mareresolba ang mga kasong ito bago ang pagsapit ng Oktubre 30.
Sinabi ng poll chief na magsasagawa ng “summary proceeedings” ang dibisyon habang hindi na sila kailangang magsagawa ng full-blown hearing sa bawat petisyon.
Hanggang nitong Setyembre 27, nakapaglabas na ang Comelec ng 2,857 na show cause orders. Sa naturang bilang, nasa 404 kandidato lamang ang nagpadala ng kanilang tugon.
Ang BSKE ay idaraos sa Oktubre 30 at ang campaign period ay itinakda mula Oktubre 19 hanggang 28.